MENU
  • CyberSecurityAwareness

 
Ang buong pamunuan ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region ay nakiisa sa pagdiriwang ng ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan na may temang: Kalayaan 2022 "Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas" na pinunganahan ni PBGEN ARTHUR R CABALONA, Direktor ng Pangrehiyong, PRO BAR, nito lamang ika-12 ng Hunyo 2022 sa Punong Tanggapan ng Pambansang Pulisya Pangunahing Gusali, Kampo Brigadyer Heneral Salipada K Pendatun, Parang Maguindanao.
 
Ang buong hanay ng kapulisan ng PRO BAR ay buong-pusong ginunita ang kasaysayan ng ating mga bayani na nag-alay ng buhay para sa kasarinlan ng Inang Bayan.
 
Sa pamamagitan ng pagbigay-pugay sa watawat habang kinakanta ang Pambansang Awit ng Pilipinas at kasunod ng sabayang awit sa Pilipinas kong Mahal na may dangal at kapurihan, inalala ng buong pwersa ng kapulisan sa rehiyon ang mga sakripisyong ginawa ng ating mga ninuno para makamit ang kasarinlan laban sa mga dayuhang mananakop.
 
Nagbatid din ng pahayag ang Katuwang na Pinuno ng RIDMD na si PLTCOL GIESON M BANIAGA para sa Pagpupugay ng Watawat.
Samantala, nagpahayag ng kanyang talumpati si PBGEN ARTHUR R CABALONA, Direktor ng Pangrehiyon, PRO BAR, at nagsaad, "Ipagpatuloy natin ang ating pagtupad sa sinumpaang tungkulin upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad. Paigtingin natin ang ating kampanya, gawi at trabaho laban sa kriminalidad".
 
Naghayag din ng pagkilala, pasasalamat, at pagpupugay sa lahat ng kapulisan ang Opisyal na Namamahala ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, Pulis Tinyente Heneral VICENTE D DANAO, JR na siyang binasa ni PBGen Cabalona, "Ngayon, kasama sa mga ginugunita natin, hindi lamang ang mga kilalang bayani, kundi pati ang mga kasamahan nating nagsilbing haligi ng kalayaan. Sila ang mga kapwa pulis natin na nagbuwis ng buhay sa gitna ng laban at panganib na dala ng pandemya, kriminalidad at giyera. Sila ang matatawag nating mga bayani ng makabagong panahon".
 
Kasabay ng pagbibigay karangalan sa Watawat ng Pilipinas, ang rehiyong Bangsamoro, sa pangunguna ni PBGEN CABALONA, ay nagpalipad ng mga puting kalapati bilang simbolo sa pagkamit ng Kapayapaan, Pag-asa, at Kalayaan.
 
Ang naturang selebrasyon ay taunang ginugunita bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng buong bansa, na naglalayong pagyamanin ang natatanging pagkakakilanlan bilang isang Pilipino at bilang isang malayang bansa.
Makakaasa ang sambayanang Pilipino na ang buong hanay ng Kapulisan ay patuloy na gagampanan ang tungkulin bilang kaakibat ng Pamahalaan sa pagtahak ng isang maunlad at progresibong Pilipinas.
 
Mabuhay ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas! Mabuhay Pilipino! Mabuhay ang Bansang Pilipinas!

###